Sakop at Limitasyon ng Pag-aaral
Sakop ng pag-aaral na ito ang kaisipang pulitikal ni Rizal - sa pagkakawing nito sa kaisipang panlipunan, sa pamahalaan, sa tunggalian sa pagitan niya at ni del Pilar at maging ng Espanya, at sa kanyang piling mga akda. Ang kaisipang pulitikal ni Rizal ay hindi independent sa kanyang kaisipang panlipunan sapagkat ang kaisipang pulitikal na ito ay nag-ugat sa kalagayang panlipunan ng kanyang panahon. Partikular na bibigyang suri ang konsepto ni Rizal sa "tao" at sa "lipunan". Susuriin ang pagtingin ni Rizal sa paraan ng pamamahala sa Pilipinas ng mga Kastila at ang kanyang depensa sa mga paratang ng Espanya. Bibigyang pansin ang pakikipagtunggali niya kay del Pilar at ang paniniwalang pinanghawakan sa kanilang tunggalian. At susubukang kunin ang mga mensaheng makukuha sa ilang akdang kanyang sinulat na nagpapakita ng kanyang kaisipang pulitikal sapagkat sa pangkalahatan ay ang mga akda kanyang ginawa ang pangunahing midyum sa pagpapakita ng paniniwala at suring pampulitikal ng bansa.
Ang mga sanggunian ng pag-aaral na ito ay ang libro ni Cesar Majul na 'The Political and Constitutional Ideas of the Philippine Revolution', ang 'Rizal: Makabayan at Martir' ni Nilo Ocampo, ang 'The Propaganda Movement' ni John Shoemacker, at ang 'Political and Historical Writings' ni Jose Rizal. Ilang karagdagang sanggunian ang kopya ng dalawang sanaysay ni Rizal (The Indolence of the Filipinos at Philippines a Century Hence) at ilang piling websites. |
Isinilang, nagkaisip, at namatay si Rizal sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Ang pananakop na ito ng mga Kastila ang pangunahing sitwasyon na naghubog ng pulitikal na kaisipan ni Rizal. Tumagal ng mahigit tatlong daang taon ang pananakop na ito ng Espanya sa Pilipinas kung kaya't maraming nabuhay sa panahong iyon na nanindigan para sa kasarinlan. Pinakadakilang itinuturing si Rizal na nag-iwan ng mensahe sa kanyang mga akda. Sinikap niyang pagdulot ng pagbabago sa bansa. Bagamat hindi ito nakamit habang siya'y nabubuhay, patuloy pa rin ang laban, hanggang kasalukuyan, bilang pagkilala na rin sa kanyang kadakilaan.
|