Free Web Hosting Provider - Web Hosting - E-commerce - High Speed Internet - Free Web Page
Search the Web

 
     
Home Page

About Page

 
Konsepto ni Rizal ng "Tao" at ng "Lipunan"

ni Ronda Chu Casaclang

      Ayon pag-aaral ni Cesar Majul,  ang pangunahing pananaw ni Rizal sa "tao" ay bilang isang nilalang na moral at ang "lipunan" bilang sistema ng ugnayang moral. Ang teorya ni Rizal sa tao at lipunan ay may dalawang mithiin. Una, nais niyang ikintal at palaguin sa isipan ng kanyang mga kababayan ang pagkakaroon ng moral na dignidad. Pangalawa, ninais niyang mgahain ng apela sa Espanya upang bigyan ng pagkilala ang mga karapatan ng mga Pilipino. Kanyang pinanindigan na ang pag-unlad ng moral na dignidad ng mga Pilipino ay ang paangunahing sangkap sa pagtaguyod ng ilang pangunahing reporma at sa pagkilala ng kanilang karapatan, ito'y paawang hinihiling sa pamahalaan ng Espanya. Ang konsepto ni Rizal ng "tao" at "lipunan" ay ginagabayan ng tatlong pangkabuuang prinsipyo. Una, ang tao by nature ay nagtataglay ng natatanging intelektwal at moral na kakayahan. Ikalawa, ang mga kakayahang ito ay may natural na agos tungo sa pag-unlad, pag-unlad na sa pagkakahulugan ay kabuuang pag-unlad o perpeksyon ng intelektwal at moral na bahagi ng tao. Ikatlo, anumang pagsubok na pigilin ang kakayahan ng tao o ng natural na pag-unlad ay ikakasirang moral ng tao. Dito, naniniwala si Rizal na mayroong malalim na halaga ang tao na dapat pabayaang hindi mapagsamantalahan at hayaang umunlad.

      Ayon di kay Coates/Ocampo, kalapit na kalapit ng buhay pulitika ni Rizal si Gandhi sa paglalapat nito ng moralidad sa pulitika at sa malalim na pagkaunawa sa kapangyarihan.

      Ipinapakitang malaki ang bahagi ng moralidad ng tao at ng lipunan para kay Rizal sa pasusulong ng mga mithiin tungo sa kalayaan ng bansa. Ang pagsusulong ng "kasarinlan" ng bansa ay matatamo at mararamdaman lamang kung ang mga taong bumubuo ng lipunan at bansa ay may moral at mapapanatili ito.



SI RIZAL AT ANG PAMAHALAANG KASTILA    

 ni Walter dela Cruz

    Ang bahaging ito ay tumatalakay sa mga saloobin ni Jose Rizal ukol sa paraan ng pamamahala ng Espanya sa Pilipinas. Inilimbag ang artikulong pinamagatang “How the Philippines Is Governed” sa pahayagang La Solidaridad noong ika-15 ng Disyembre 1890 at naglalaman ng mga kasawian ng mga Pilipino sa kamay ng mga mapang-abusong dayuhan.

 

Nag-umpisa si Rizal sa pagtalakay ng kondisyon ng Pilipinas sa panahon ng Kastila. Inihambing niya ang Pilipinas sa primitibong panahon kung kalian sadyang mahina ang medisina. Sa tuwing magkakasakit ang mga tao noong sinaunang panahon, hindi nila ito sinusubukang hanapan ng lunas sapagkat naniniwala sila na bahagi ito ng buhay ng tao. Ganoon din naman ang mga Pilipino noong panahon ng Kastila, ang mga problema, kasawian at pang-aabuso ay mga “necessary evils” ng lipunan.

 

I.   Ang mga Aktor ng Lipunan at ang Pasahan ng Sisi

 

     Sinabi ni Rizal na ang lahat ay nagkakaisa sa ideyang hindi mainam ang kundisyon ng bansa, ngunit ang atribusyon sa mabagal o kawalan ng pag-unlad ng Pilipinas ay nag-iiba depende sa mga taong tumitingin. Iba’t-iba ang inihahain na kuru-kuro ng mga aktor sa lipunan na tila maaring tignan bilang pagpapasahan ng sisi sa kinahinatnan ng Inang Bayan.

 

A.   Ang mga Prayle

 

Para sa mga prayle, ang sisi ay dapat ipukol sa mga Indio dahil sa kanilang katamaran. Kinondena naman ito ni Rizal sa pagsasabing duwag at mapanlinlang ang mga prayle sa pagtatago sa likod ng mga paratang na ito. Hayagan ang pag-aakusa ng mga prayle sa mga Indio upang makamit ang atensyon ng publiko at maitago ang sariling baho.

 

Ayon pa sa kanila, ang mga liberal ay dapat ding sisihin sa mga kaguluhan sa lipunan dahil sa kanilang pagiging “ignorante”. Sa kabilang dako, inaako nila ang kakarampot na kabutihan na naganap sa Pilipinas

 

B.   Ang mga Liberal

 

     Sa kabilang banda, nagakusa naman ng mga liberal sa Pilipinas na ang mga prayle ang maysala sa masalimuot na kalagayan ng bansa.

 

     Ayon kay Rizal, ang pagtuturuan ay nagdulot ng pagkalimot ng mga liberal sa kanilang papel sa kaguluhan. Sinambit ni Rizal na lubos ang pagpapagamit at pagpapadikta ng mga liberal sa mga pinuno ng simbahan sa takot na mawalan ng hanapbuhay. Tumutulong ang mga liberal sa pagpapalakas ng kapangyarihan at impluwensya ng mga prayle sa pagpayag nila sa pagtapak at pagyurak sa kanilang mga hangarin at ideya. Pinili ng mga liberal ang pang-sariling kapakanan kaysa pagpapasok ng mga makabagong ideya sa Pilipinas na lubos sana ang maitutulong sa pag-unlad ng bansa.

 

C.   Ang mga Pilipino

 

     Sa kabuuan, iginagawad ng mga Pilipino sa mga prayle, liberal at sa iba pang nilalang na mahina ang loob sa pagtutulak ng reporma at kakarampot ang pagmamahal sa bansa ang lahat ng sisi.

 

     Tulad ng mga liberal, nalimot din ng mga Pilipino ang responsibilidad nila sa mga nangyayari sa lipunan. Kinutya ni Rizal ang mababaw na nasyonalismo ng mga Pilipino. Sinabi niya na matibay ang pundasyon at nagkakaisa ang mga damdamin sa loob ng pamilya at tribo ngunit bihira ito sa pambansang lebel. Mababaw ang pagmamalasakit ng mga Pilipino sa mga taong nasa labas ng kanilang pamilya at ganito mag-isip: “hayaan ang mga taong kumilos at magdesisyon para sa kanyang sarili; hindi ako tutulong sapagkat mayroon din akong sariling problemang kinakaharap; panoorin na lamang natin siyang mag-saing at makikain na lamang tayo pag nainin na”.

 

Ayon pa kay Rizal, hindi lubos na nauunawaan ng mga Pilipino na ang tagumpay ay bunga ng paghihirap at maraming sakripisyo. Nananatiling nakakatunganga ang mga Pilipino sa paniniwalang wala silang magagawa. Kikilos lamang ang mga ito kung direkta nang naapektuhan ang kanilang mga sarili o kasapi ng pamilya.  

 

D.   Ang mga Dayuhan

 

     Inilagay ni Rizal ang mga Tsino sa unang hanay ng mga dayuhan na naninirahan sa Pilipinas. Ayon sa kanya, sila ang pinakamasaya sa lahat sapagakat tinatawanan lamang niya ang kasawian ng Pilipinas at pinagsasamantalahan ang lahat para sa ikabubuti ng sarili. Inihambing ni Rizal ang mga dayuhan sa mga balang na pumepeste sa mga taniman at walang pakialam kahit mapinsala ang ikinabubuhay ng magsasaka. Dagdag pa niya, sa kasawiang-palad ay mayroon ding mga Pilipino at Kastila na tulad ng mga balang sa kanilang pag-iisip at gawain.

    

II.   Ang Ministry of Overseas Colonies

 

     Ang Ministerio de Ultramar ang opisinang namamahala sa Pilipinas bilang kolonya ng Espanya. Sinuri ni Rizal ang tanggapang ito bilang barbaro, mahina at mantsado ng kabuktutan.

 

     Ayon kay Rizal, isang napakalaking pagkakamali ang ibigay sa kamay ng mga walang karanasan ang kapalaran ng siyam na milyong Pilipino. Aniya, libu-libong milya ang layo ng opisina sa Pilipinas at hindi man lamang alam ng mga tauhan dito ang kultura at kalagayan o kahit ang lokasyon sa globo ng bansang kanilang hinahawakan. Itinuring ni Rizal ang mga tauhan na nagpapatakbo sa  tanggapan bilang mga bagito sa larangan ng pamumuno. Pakutya pa niyang dinagdag na mas mahusay pa nilang makokontrol ang buwan o Saturn sapagkat kahit paano ay mas nakikita pa nila ito kumpara sa Pilipinas.

 

     Ang pinakamadalas na maluklok sa tanggapan ay yaong mga opisyal na mayroon nang nabuong paniniwala at desisyon ukol sa kanyang plano sa Pilipinas. Sa kasawiang-palad nga lang ay ito ay ang desisyong walang gawin o baguhin habang nakaupo sa puwesto. Marami kasi ang natatakot kumilos dulot ng kanilang kawalan ng kaalaman at tinanggap lamang ang puwesto upang hindi kutyaing inosente o duwag.  Bukod pa dito, naiilang silang maghain ng mga programang magdudulot ng pagbabago sa takot na mapagbalingan ng sisi kung sakaling magkagulo sa Pilipinas.

 

     Inusal ni Rizal na hindi dapat sisihin ang mga ministro bagkus ang krimen ay dapat iparatang sa mga opisyal na naglagay sa kanila sa puwesto. Ang pinakamagandang gawin ng mga ministro habang nakaupo ay manahimik na lamang at walang gawin upang hindi na lalong mapasama ang Pilipinas. Mabuti din ito para sa mga ministro sapagkat mananatiling malinis ang kanilang mga konsyensya sa panahong lisanin nila ang puwesto.  

 

     Mayroon din namang mga bagitong ministro na nagtataglay ng konsensya at matinong pag-iisip at nagtatankang pag-aralan ang sitwasyon sa Pilipinas. Ngunit, ang pag-aaral na ito ay nangangailangan ng mahabang panahon at ang milyung-milyong Pilipino ay nagiging mga guinea pigs sa mga eksperimento ng ministro. Dagdag pa ni Rizal, walang ideya ang ministro sa mga epekto ng kanyang adventureesm sa Pilipinas kung kaya’t hindi ito tiyak sa mga susunod na gagawin.

 

     Nagbigay-puri din si Rizal sa artikulong ito sa tatlong natatanging ministro na sa kabila ng kanilang kawalan ng karanasan ay nagresolba ng ilang mga problema at intriga gamit ang kanilang matuwid na karakter. Nagbigay din ang mga ito ng panahon upang malaman ang mga kasamaan sa Pilipinas at sinubukang supilin ang mga ito. Ang mga mararangal na taong tinutukoy ay sina Sagasta, Becerra at Maura.

 

III.   Ang Kapitan Heneral ng Pilipinas

 

     Ang Kapitan heneral ang tumatayong viceroy ng hari ng Espanya sa Pilipnas. Bukod sa hari, siya ang natatanging Espanyol na nagtataglay ng pinakamalakas na kapangyarihan at pinaka-kaunting responsibilidad sa lahat. Siya ay may kakayahang diktahan ang mga buhay, pag-aari at maging dangal ng siyam na miilyong Pilipino. May abilidad din siyang makuha ang kahit anong naisin mapa-ginto man ito o ibang luho ng buhay.

 

     Bilang pinakamataas na pinuno ng bansa, inaasahan na ang Kapitan Heneral ang pinakamahusay at pinakadakila sa lahat. Siya ay maaring ituring na banal sapgkat inuuna niya ang kapakanan ng iba at kagustuhan ng Diyos bago ang sarili. Siya ay may lubos na karanasan upang makapag-desisyon ng tuwid at matapat sa katarungan at kabutihan. Nunit sa kasawiang-palad, isa lamang itong ilusyon o mala-anghel na awiting kahit kailan ay hindi naulingan ng mga Pilipino.

 

     Iginiit ni Rizal na ang tanging kwalipikasyon upang matanggap sa puwestong ito ay ang kaalamang pang-militar. Itinuring ni Rizal ang Kapitan Heneral bilang masamang bunga ng bulok na sistemang Kastila. Tinignan din niya ang Kapitan Heneral sa ganitong paraan: ang kanyang ulo ay nagpapalit tuwing ikatlong buwan at ang pag-iisip at pagdedesisyon ay wala sa kanyang sariling katawan.  

   

 

DEPENSA NI RIZAL SA MGA PARATANG NG ESPANYA  

ni Jacqueline Bueno 

I.          Ang Depensa Ni Rizal laban sa akusasyon ng Rebelyon

 

            Sinasabi ni Rizal sa kanyang sanaysay na wala siyang kinalaman ukol sa pinaplanong pag-aalsa. Minsan lamang sila nagkita ni Pio Valenzuela at ito ay noong ika-1 o ika-2 ng Hulyo taong 1896.

 

            Una niyang nalaman ang tungkol sa pag-aalsa noong araw na iyon at pinagsabihan ni Rizal si Valenzuela na magpasensya na lamang at isipin ang kapakanan ng bansa. Sinagot siya ni Valenzuela sa pagsasabi na ang dahilan ng pagbibigay ng impormasyon niya kay Rizal ay upang makaiwas ito sa mga bintang na siya ang pasimuno ng rebelyong magaganap at inaalala lamang nila ang kanyang buhay at kapakanan. Ipinagwalang-bahala ni Rizal ang babalang ito. Aniya, hindi dapat siya ang

alalahanin kundi ang bayan na maghihikahos sa isasagwang Rebolusyon. Matapos ang kanilang usapin, inulit ni Rizal ang paniniwalang walang mabuting idudulot ang mga plano at sinang-ayunan naman ito ni Pio. Bukod pa dito, ipinahatid ni Pio ang hindi paggamit ng pangalan ni Rizal bilang lider ng mga Rebelde.

 

            Pinagtanggol niRizal ang sarili laban sa mga akusasyon ng mga Espanyol na siya ang pinuno ng Rebelyon. Matapang niyang inusal na paano siya magiging lider ng samahan kung saan kailan lamang niya nabatid ang pagkakaroon ng ganoong grupo. Bukod pa dito, nang humingi ang mga ito ng payo mula sa kanya ay hindi naman ito sinunod.

 

            Sa salaysay, binabanggit ni Rizal na simula pa noong ika-1 ng Hulyo taong 1892 ay sinuko na niya ang Pulitika at pinaratangan lamang siya upang mapabaril at mapatahimik.

 

            Nang naganap ang pag-aalsa ay lulan siya ng barkong Castilla at sa halip na magbigay suporta sa mga pangyayari ay inialay pa niya ang sarili sa Kataas-Taasan upang mapigilan ang Rebelyon. Bagamat ito ay sa anyong liham lamang ay nasaksihan naman ito ni Kolonel Santalo.

 

            Salungat si Rizal sa pag-aalsa dahil sa paniniwalang bibigyang kalayaan ng Espanya ang Pilipinas sa hinaharap at kailangan lamang ng pasensya sa paghihintay. Sa kasalukuyan, ang kailangan lamang ay manatili ang mabuting relasyon sa pagitan ng Espanya at Pilipinas upang maisulong ang kaunlaran.

 

            Sinabi din sa akda na hindi totoo na may naganap na tunggalian sa pagitan ng mga Rebolusyonaryo at Rizal. Walang liham o anumang ebidensya ang magpapatunay ng ideyang ito at kung mayroon man ay tiyak na mapapasakamay ito sa mga Kastila sapagkat dadaan ang sulat sa “Provincial Military Commander.”

 

II.         Ang Depensa Ni Rizal ukol sa Liga

 

            Inaamin ni Rizal na sinulat niya ang “by-laws” ng La Liga at mga layunin nito na magpapaunlad sa komersiyo, industriya, sining, atbp.  Para kay Rizal, kailangan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga Kastila at Pilipino upang maisakatuparan ang mga ito.  Naniniwala siyang ang kalayaan ng Pilipinas ay ipagkakaloob ng Espanya sa tamang panahon kung kailan batid na nilang hamda ang mga Pilipino para dito.

 

            Ang La Liga Filipina na pinamunuan ni Ginoong Ambrosio Salvador ay hindi nagtagal.  Matapos ang unang pulong ay hindi na muli ito nasundan at unti-unti na ito nagkawatak-watak.  Ito ay sa kadahilanang ipinatapon na si Rizal ng pamahalaang Espanya sa Dapitan.

 

            Inusal ni Rizal na wala na siyang kinalaman sa pagbubuhay muli ng La Liga matapos ang siyam na buwan.  Ipinagtanggol ni Rizal ang La Liga sa pagsasabing walang masamang hangarin ang organisasyon at ang tanging kagustuhan lamang nito ay ang magsulong ng katarungan at pagkakapantay-pantay. Kinailangan panglumisan at gumawa ng sariling grupo ang pangkat ni Bonifacio na magtataguyod ng radikal na pagbabago gamit ang rebolusyon. Ang Katipunan ang naging daan upang maisakatuparan ang mga layunin na hindi napagtagumpayan ng Liga

 

III.       Ang Depensa Ni Rizal ukol sa Masonry

 

            Kinondena ni Rizal ang akusasyong siya ang nag-utos kay Pedro Serrano na magdala ng “Masonry” sa Pilipinas.  Si Serrano ang may higit na mataas na posisyon sa pagkamason na nasa tatlumpu’t tatlong antas na kumpara kay Rizal na nakaabot lamang sa ika-3 lebel.

           

            Imposibleng mautusan ng isang nakabababang mason ang nakatataas na awtoridad.  Dagdag pa dito, hindi maganda ang paghihiwalay ni Serrano at Rizal sa Europa.

 

IV.       Ang Depensa Ni Rizal ukol sa Circulo Hispano-Filipino at La Solidaridad

 

            Ukol naman sa Circulo Hispano-Filipino, lubos ang kanyang pagtanggi sa pagiging pasimuno ng organisasyong ito.  Matagal na ang pagkilos ng asosasyon bago pa man siya nakarating sa Madrid.

 

            Kapareho din nito ang kanyang depensa ukol sa La Solidaridad.  Ayon kay Rizal, ang grupong Propaganda ay inorganisa at pinamunuan ni Marcelo H. Del Pilar.

 

Tunggalian ni Rizal at del Pilar
    

 ni Irina Kristi Guillen

   Si Marcelo del Pilar ang kasalukuyang namamahala sa pahayagang La Solidaridad at siya rin ang opisyal na delegado ng Comite de Propaganda sa Espanya nang bumalik si Jose Rizal sa Madrid. Si Jose Rizal ang isa sa mga nagpasimula ng Propaganda at gusto niyang baguhin ang pag-uugali ng mga Pilipinong nasa Madrid.

   Nakita ni Rizal na hindi nila natututukan ang kanilang pag-aaral o ang pangangampanya ng nasyonalismo at nauuubos ang kanilang oras sa pambababae at pagsusugal. Habang siya'y nasa Madrid, gusto niyang matuto ang mga Pilipinong nandoon sa kanyang halimbawa. Ngunit dahil siya'y nasa Madrid, nagkaroon ng argumento tungkol sa pagkapinuno. Dahil sa kagustuhang lumayo ni Rizal sa gulo, pinigilan niya ang kanyang sarili na makialam sa pamumuno ni del Pilar. Tinigilan niya muna ang pagsusulat para sa La Solidaridad upang hayaang mamuno ng malaya si del Pilar. 
       
   Ngunit gusto ng samahan na magkaroon ng pagkakaisa sa mga kasapi dito kaya't nagkaroon ng halalan para sa posisyong Responsable. Isa sa mga tungkulin ng Responsable ang pagbibigay-direksyon sa La Solidaridad upang magkaroon ng isang pag-iisip ang Comite de Propaganda at ang La Solidaridad. Naglaban sina Rizal at del Pilar sa posisyon ng Responsable at dahil dito, lumaki ang hidwaan nila del Pilar at Rizal dahil dito. Nahati ang samahan sa dalawang paksyon: ang mga Pilarista at ang mga Rizalista.
 
   Si del Pilar at ang mga Pilarista ay naniniwala na makakabuti na sila'y mangampanya para sa Pilipinas sa labas ng bansa. Dito, makakakuha sila ng tulong sa mga Kastilang naniniwala sa kanilang kampanya. Si Rizal naman at ang mga Rizalista ay naniniwala na dapat nilang ipagpatuloy ang laban sa pamahalaang Kastila sa Pilipinas. Magiging mas makabuluhan ang nasyonalismo kapag sa Pilipinas ito isinagawa. Kapag pinakita nila na sila'y matapang at walang takot na lumaban sa pamumunong Kastila, magkakaroon ng lakas ng loob ang mga Pilipino na lumaban at makibahagi sa kampanya laban sa mga Kastila.
 

   Nanalo si Rizal sa halalan ng Responsable ngunit hindi niya tinanggap ang posisyon dahil ayaw niyang mamuno sa isang samahang hiwa-hiwalay. Lumisan si Rizal sa Madrid at ipinagpatuloy ang laban sa Pilipinas. Ang posisyong Responsable ay napunta kay del Pilar ngunit mabubuwag din ang samahang ito. 

 

   Sa pagbalik ni Rizal sa Pilipinas, siya, kasama ng ibang mga Pilipino, ay nagtatag ng panibagong samahan, ang La Liga Filipina. Ang La Liga Filipina ang magpapatuloy ng laban sa pamahalaang Kastila. Naglalayon ang samahang ito na magkaroon ng pagsasama-sama ng mga lalawigan sa Pilipinas upang maging isang buong bansa, ang proteksyon laban sa kasamaan at ang hindi pagbigay ng hustisya sa mga Pilipino, ang pagsulong ng agrikultura, edukasyon at kalakalan, at ang pag-aaral at pagsasagawa ng mga reporma sa pamamalakad ng pamahalaang Kastila. Naging mas matagumpay ang paraan ni Rizal dahil naimulat niya ang mga Pilipino na pwede silang lumaban sa mga Kastila. Ang pagmumulat na ito ay ang nagbigay-buhay sa samahang Katipunan ni Andres Bonifacio.    

  

   Sa pag-aaway na ito, makikita natin ang politikal na pag-iisip ni Rizal. Si Rizal ay isang pinuno na namumuno sa kanyang halimbawa. Dahil sa alam niya na hindi pakikinggan ng Espanya ang hinaing ng mga Pilipino, inuwi na lang niya sa Pilipinas ang laban at naging matagumpay siya dito. Kahit na alam niyang matagal pa bago maging malaya ang Pilipinas, itinuloy pa rin niya ang laban para sa ating bayan.
     

 


DALAWANG SANAYSAY NI RIZAL SA LA SOLIDARIDAD    

 ni Marilou Cosejo


Programang politikal ng La Solidaridad ang igiit ang (1) sekularisasyon ng mga parokya at pagpapatanggal sa mga prayle, (2) pangangatawanan ng Pilipinas sa Cortes ng Espanya, (3) pakikilahok sa mga gawain ng pamahalaan, (4) pagkapantay-pantay sa harap ng batas, (5) kalayaan sa pagtitipon, pamamahayag, pananalita, (6) malawakang kalayaang panlipunan at indibidwal, at (7) asimilasyon.

            Sa layuning asimilasyon sa Espanya ay handang makipagtalo si Rizal, dahil ang kahit anong progresibong argumento sa Espanya ay may silbi sa kanyang bansa.  Ngunit sa loob-loob niya ay wala na siyang tiwala sa asimilasyon.

            Ang mga layuning politikal ng La Solidaridad ay matuturing na talunan sa mga adhikaing ito.  Ngunit makikita rin na pinakapraktikal na landas iyong bukas agad sa mga Pilipino.  At naniniwala si Rizal na ang landas na iyon ang dapat subuking sulungin hanggang dulo.

I.   The Philippines a Century Hence (Ang Pilipinas sa Loob ng Sandaang Taon)

             Ang unang bahagi ng sanaysay na ito ay tungkol sa pagsulyap sa nakaraan ng Pilipinas.  Dito, ipinakita ni Rizal ang mga pagbabago na naidulot ng pagkasakop ng Pilipinas sa Espanya.  Kung saan, ang dating pinuno sa Pilipinas ay napasailalim sa mga dayuhan dahil na rin sa pag-asang pag-unlad mula sa mga mananakop.  Unti-unting naisantabi at nalimutan ng mga Pilipino ang kanilang mga katutubong tradisyon, mga awitin, tula at mga paniniwala nang sa gayon ay mayakap ang mga bago at dayuhang doktrina, na sa totoo'y hindi naman nila naiintindihan.  Ikinahiya at tinanggihan ng mga Pilipino ang sarili nilang kultura.  Hinangaan at pinuri ng mga Pilipino ang anumang bagay na banyaga hanggang sa nagapi ng dayuhan ang kanilang puso at diwa.  Lumipas ang mga taon, ang relihiyon ay nagpakitang gilas din kung saan ginamit ang pagsamba sa Diyos upang akitin at sa huli'y pasunurin at mapasailalim ang mga Pilipino sa kagustuhan ng mga dayuhan.  Nang makuha ang loob ng mga Pilipino ay itinuring na parang hayop, inalisan ng kaisipan at damdamin at ginawang mga alipin upang pagsilbihan ang mga dayuhan sa ikauunlad ng Espanya.  Muling nabuhay ang natutulog na damdamin ng mga Pilipino dahil sa mga pasakit at panghihiya na kanilang naranasan.  May ilang damdaming nagising sa katotohanan sa mga kahayupan at paniniil ng mga dayuhan dahil na rin sa patuloy na pag-alipusta at pagsasamantala na unti-unti ay gigising sa lahat.

            Sa bahaging ito makikita ang obserbasyon ni Rizal sa pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas.  Ipinakita niya ang naging epekto nito sa mamamayan at sa mga pinunong Pilipino.  Ipinakita ang hindi pantay na pagtrato sa mga Pilipino simula ng mamuno ang mga Kastila.  At umaasa si Rizal na magigising at mamumulat ang mga Pilipino sa katotohanan at kasamaan ng mga dayuhan.

            Ang ikalawang bahagi ay tungkol sa kabiguan ng mga kolonyal na patakaran ng Espanya sa pagpapaunlad sa Pilipinas.  Sinabi dito ang kalagayan ng Pilipinas sa tatlong-daang taon na nakalipas simula ng panahong iyon (1889).  Para sa mga nagnanais ng kalayaan ng kanyang bansa, ang bayan ay may tiyak na kalayaan noon.  Para sa mga nakasaksi naman ng kaguluhan at di pagkakaunawaan, nararapat lamang na tanggapin ng buong pagsang-ayon ang anumang magaganap sa hinaharap.  Ayon sa mga liberal na Kastila, ang kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan (1889) ay katulad pa rin ng dati, walang pinagbago subalit para sa mga prayle ay nagkaroon ng pag-unlad.  Ang pamamahala ng mga kastila sa Pilipinas noong una ay hindi madali ngunit nagpatuloy pa rin sila upang mapamahalaan ito.  Mayroong pwersang-militar, mabagal na komunikasyon sa pagitan ng Mexico at Espanya at ang paglalakbay ay delikado dahil ang dagat ay pinamumugaran ng mga pirata at mga kaaway ng Espanya. 

            Binanggit din na sa panahong 1889,ang sitwasyon ay mas maigi.  Nagkaroon ng mas mainam na organisasyon sa pamunuang sibil at military.  Ang komunikasyon ay naging mas madali, mabilis at sigurado.  Ang Espanya ay wala nang mga kaaway-panlabas.  Ang kanyang pagkasakop sa Pilipinas ay permanente na at humina ang kagustuhan ng mga Pilipino na magsarili.  Sinabi ni Rizal na ang Pilipinas ay nanatiling panatag sa simula ng dominasyong Kastila.  Ang mga Pilipino at nagiging opisyal ng militar.  Ang isang indio ay maaaring maging encomendero at maging isang heneral ng isang hukbo.  Wala pang masyadong nagaganap na paninirang-puri at pang-iinsulto sa mga tao.  Ang mga prayle at ang residencia ay napanatili ang katapatan ng mga Pilipino sa pamahalaang Kastila.  Umusbong din ang isang bagong paninindigan ng mga Pilipino sa pamunuan ng Kastila.  Lahat ng mabubuting bagay ukol sa pagpapaunlad ng bayan ay nawala.  Ang pamahalaan ay napalitan ng pananakot, pagsasamantala at pang-aalipin.

            Tulad ng unang bahagi, makikita pa rin sa ikalawang bahagi ang pagtingin at pagsusuri ni Rizal sa mga ginagawa ng mga Kastila.  Ipinaliwanag dito kung paano ang pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas simula noong una hanggang sa kasalukuyang (1889) panahon nito.  Makikita dito ang kalagayan ng mga Pilipino.  Masasabing tiningnan din ni Rizal ang magagandang ginawa ng mga Kastila pati na rin ang kasamaan nito.

            Ang ikatlong bahagi naman ay nagsasaad ng mga radikal at pulitikal na reporma kung mananatiling kolonya ng Espanya ang Pilipinas.  Magtatagumpay ang mga reporma sa Pilipinas, kung ang mga pagbabago ay magiging marahas at madugo kung ito ay magmumula sa hanay ng mga karaniwang tao.  Kailangang baguhin ang patakarang pulitikal ayon sa pangangailangan ng mga tao.  Ang pagreporma ay magiging mapayapa at mabunga kung ito ay manggagaling sa pagkilos ng mga nakatataas.  Ang mga pangunahing reporma na kailangang ipatupad ay ang pagkakaroon ng kalayaaan sa pamamahayag upang maipaalam sa pamahalaang Kastila at maging sa buong bansa kung ang mga utos ay naipatutupad ng mga epktibo at mahusay, nakatutulong o hindi sa ikauunlad ng bayan.  Kailangan ito ng bansa na ang pamamahala ay nagmumula pa sa isang malayong lugar sapagkat ito ang magsisilbing mata, tenga at boses ng bayan.  Ang mga hinaing ng mga Pilipino ay bihirang makarating sa Espanya at kung maiparating man ay patago pa.  Ang kalayaan sa pamamahayag ay maaaring maging panganib sa gobyernong Kastila.  Ang "freedom of the press" ay kailangan ng isang pamamahalang nagnanais na magandang reputasyon at karangalan.  Kailangan din na magkaroon ng mga Pilipinong kinatawan sa Cortes ng Espanya.  Ngunit ito ay maaaring magbigay panganib sa pamahalaang Kastila.  Ang mga kinatawang Pilipino ay magiging mapaghimagsik sa Cortes.  Maaaring maging "political trimmers" ang mga representante ng bansa.  Maaari rin namang maging kagalang-galang, mahalaga at tapat sa kanilang mga tungkulin ang mga kinatawan.  Ang mga Pilipinong kinatawan ay sinasabing may amoy "Igorot", kayumanggi ang kulay at pango ang ilong.  Bilang ganti naman sa pagkakaroon ng Pilipinas ng kinatawan sa Cortes, ang mga Pilipino ay mananatiling tapat sa gobyernong Espanyol.

            Ang ilang pangunahing reporma na kailangan pang ipatupad ay ang katarungan ang pangunahing pangangailangan ng isang sibilisado ng bayan.  Kung ang mga Pilipino ay nagbabayad ng buwis, nararapat din naman silang bigyan ng karapatan.  Ang mga posisyon sa gobyerno ay kailangang punuan sa pamamagitan ng isang "competitive examination" at ang resulta ay nararapat na ihayag sa publiko.  Kailangan din ng reporma sa komersiyo, agrikultura, seguridad ng isang indibidwal at ng kanyang mga ari-arian, edukasyon at iba pa.  Ang Pilipinas ay mananatili sa Espanya kung ang pagpapatakbo dito ay matuwid at sibilisado subalit kung mananatiling walang pagbabago ay hindi mapipigilan ang mga Pilipino sa pagtamo ng kanyang kasarinlan.

            Tulad ng pangunahing layuning politikal ng La Solidaridad, ang bahaging ito ang nagpapakita iba't ibang pananaw ni Rizal sa repormang radikal at politikal kung mananatiling kolonya ng Espanya ang Pilipinas.  Makikita ang pagiging repormista ni Rizal sa bahaging ito ng sanaysay.  Inihain niya ang iba't ibang pagbabago na nais ng mamamayang baguhin at iparating sa pamahalaan ng Espanya.  Nagbigay din siya ng mga kadahilanan kung bakit nais nilang magkaroon ng mga ganitong reporma sa Pilipinas.

            At ang huling bahagi naman ng sanaysay ang nagpapakita ng mga prediksiyon at pananaw sa hinaharap.  Sinasabi ang pagkakaroon ng dominasyon ng isang bansa sa isa pang lahi ay hindi pangmatagalan.  Ang isa ay maaaring pumayag at sumuko o maaari rin naman bumagsak at magdusa.  Isang halimbawa ay ang naganap sa Espanya kung saan ang mga mananakop ay napatalsik din sa huli matapos ang madugo at paulit-ulit na labanan.  Ayon sa siyensiya, ang pamamalagi ng isang panlabas na bagay sa isa pa ay maaaring magbunga ng pagkatuto at pagkaunawa, magdulot ng pagkawasak ng isa o pagkakulong sa kapangyarihan ng isa.  Gayundin naman ang Pilipinas ay idedeklara ang kanyang sarili bilang isang malaya at nagsasariling bansa sa mga darating na araw kung patuloy na aalipustahin at mamaltratuhin ang kanyang lahi.  Kung ang edukasyon at kalayaan ay patuloy na ipagkakait ng Espanya sa Pilipinas, hahanapin ng kanyang lahi ang mga paraan ng pagsasarili sa ibang bayan.  Magkakaroon ng matinding banggaan at labanan sa pagitan ng mga mananakop at mga Pilipino kung saan ito'y magdudulot ng matinding pinsala sa dalawa.  Ang mga kahilingan ng Pilipino ay nararapat lamang na ikonsidera ng Espanya kung ayaw niyang isubo sa panganib ang kanyang mga kayamanan maging ang kanyang hinaharap sa Aprika at ang kalayaan sa Europa.  Sa panahong nakamit na ng Pilipinas ang kanyang kalayaan isang panibagiong dayuhan ang maaaring magpatuloy sa iniwan ng mga Espanyol.

            Sinabi rin dito na may isang panibagong dayuhan at pamamahala ang magpapatuloy sa iniwan ng mga Espanyol.  Ang Inglatera ay may sapat nang kolonya sa Silangan at hindi nya isasakripisyo ang kanyang imperyo sa India para lamang makuha ang Pilipinas.  Ang Alemanya ay hindi isusubo sa panagnib na ikalat ang kanyang mga hukbo sapagkat kapag nagkaroon ng digmaan ay maaari pang maging dahilan ng kanyang pagbagsak.  Ang Pransiya ay mas maganda ang hinaharap sa Tonking at Tsina.  Ang Olandiya ay kontento na sa Moluccas at Java at mas maigi ang kanyang hinaharap sa Sumatra.  Ang Tsina ay magiging maswerte na kung mapapanatili niya ang kanyang kalagayan.  Ang Hapon ay nasa sitwasyong delikado sapagkat ang Rusya at Inglatera ay may nasa kanya at sapagkat mas maigi pang ang Korea na lang pagtuunan niya ng pansin.  Ang Amerika ay mayroong pagkabahala lalo na sa Pasipiko.

            Sa huling bahagi, inilahad ni Rizal ang mga pananaw niya sa darating pang mga panahon.  Ang ilan dito ay masasabing nagkatotoo at natupad.  Makikita ang mahusay na pag-analisa ni Rizal sa mga nangyayari sa bansa.  Masasabi natin na sadyang makabayan si Rizal.  Hinahangad niya ang pagkakaroon ng kalayaan at pagkakapantay-pantay ng Pilipino sa mga Kastila.

II.    The Indolence of the Filipinos (Ang Katamaran ng mga Pilipino)

  Ang katamaran ay ang kauntian ng pag-ibig sa paggawa at kakulangan ng sipag ng isang tao.  Inihalintulad ito ni Rizal sa isang kanser.  Tulad ng kanser, ang katamaran ay unti-unting kumakalat sa buong katawan.  Ito ay unti-unting nakakaapekto sa lahat ng parte o aspeto ng ating katauhan.  Halos imposible nang magamot ng lubusan at pabalik-balik ito.

            Dati naman ay hindi ganito katamad ang mga Pilipino.  Bago dumating ang mga taga-Europa, mayroon ng pangangalakal na masigla, kahit pati sa mga bansang kalapit ng Pilipinas.  Ang mga mandirigma ng Luzon ay nakilahok sa labanan sa Sumatra.  Ayon kay Pigafette, noong sinaunang panahon, ang mga katutubo ay nagbubungkal pa ng sariling bukirin upang may ipang-kain.  Gumagawa pa ng maraming kasangkapang pandigma at pinag-aralan nila ang wikang Kastila.

            Maraming mga bagay ang nagiging sanhi ng katamaran ng mga Pilipino.  Una, Dahil sa natural na kapaligiran kung saan mainit ang klima.  Pangalawa, pangkaisipang kadahilanan.  Kulang na pagbibigay-sigla sa paggawa.  At ayon sa mga prayle, higit na pinagpala ang mga mahihirap.  Pangatlo, pangkabuhayang kapaligiran bunga ng digmaan, pag-aalsa at pagdarambong.  Kung saan, sapilitang pinapagsundalo ang mga Pilipino, naiiwang tiwangwang ang bukid at labis na nakalulunos ang bunga ng mga pangyayari.  Pang-apat, ang pamahalaan mismo.   Kulang ang paglilingkod sa taong bayan.  Tiwali ang mga Pilipino.  Walang tulong na ibinibigay sa pagpapaunlad ng kabuhayan.  Talamak ang tinatawag ng "padrino" sa paglakad ng papeles o mga pangangailangan.  Kulang ang pagbibigay-sigla sa gawaing manwal tula ng sapilitang paggawa, mataas na buwis, walang pangangalaga sa ari-arian, at katwiran at intriga ng mga namumuno.  Hindi rin isinasaayos ang pagpapabilis ng pamamaraan ng transportasyon.  Panglima, ang kapaligirang panlipunan.  Ang mga Kastila ay maluho sa pamumuhay, maraming katulong ngunit mababa ang pasahod, mababang pagtingin sa manwal na gawain at malahari ang pagkilos.  Samantalang ang mga Plipino naman ay nalululong sa sugal, maraming pistahan at pag-aambag ng malaki sa simbahan dahil sa maling paniniwala sa relihiyon at pagigng panatiko.  Pang-anim, pang-edukasyong pangkapaligiran.  Hindi angkop sa pag-aaral ang kapaligiran.  Nagkakaroon din ng hindi makataong pagtrato ng nagtuturo at karamihan sa mga paaralan ay nasa kumbento.  Ang mga prayle ay walang pagsasanay bilang guro lalo na ang mga nagtuturo.  Sadyang nais ng mga prayleng maging mangmang ang mga Pilipino.  Kulang ang pagtuturo ng mga magulang sa mga anak.  Pagsasaulo ng mga pinag-aralan.  At ang pangpito, kamalayang pambansa.  Mababa ang moral ng taong-bayan.  Mali ang pagpapahalaga.  Kulang ng pagtangkilik sa sariling gawa.  Kulang ng katangiang-pamumuno sa takot sa mananakop.  Walang pagkakaisa.  At walang kamalayang pambansa.

            Pinatunayan ni Rizal sa sanaysay na ito ang pagbibintang ng mga Kastila sa mga Pilipino sa pagiging tamad.  Ipinakita ni Rizal na ang mga Kastila ang sanhi ng ganoong kaasalan sapagkat higit pa silang tamad kaysa sa kanilang pinagbibintangan.  Hindi sapat na rason para sa katamaran ang pagbabago ng panahon o di kaya'y ang pagbago ng lugar na kinalakihan.  Ang katamaran sa Pilipinas ay isang katamarang pinasagwa, lalong lumala habang tumatagal ang panahon.  Ang kasamaan ay wala sa pagkakaroon ng katamaran ngunit sa walang-tigil na paghikayat ng ganitong ugali.  Ang katamaran ay bunga, at hindi sahi, ng kasamaan.  Habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo dapat nawawalan ng pag-asa para sa pagbabago.  Hindi dapat ibuntong lahat ng sisi sa mga Pilipino.  Ito ang nais na ipakita ni Rizal sa sanaysay na ito.  



EL FILIBUSTERISMO: BUTIL NG KAISIPAN ALAY SA LIPUNAN    

 ni Zaide Arzadon


"Walang mang-aalipin kung walang papaalipin" "Walang magbibigay, kung walang hihingi" "Walang kabuluhan ang buhay kung hindi ito inuukol sa dakilang layunin". Ito ang mga mabibigat na salitang nakapaloob sa nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose P. Rizal. Kung ang Noli Me Tangere ay nobelang naglalarawan sa buhay ng mga Pilipino at Kastila noong panahong kolonya pa tayo ng Espanya, ang El Filibusterismo naman ang eksplorasyon ng rebolusyon bilang solusyon sa kanser sa Lipunan—ang pagmamalabis at pang-aapi ng mga kastila sa mga Pilipino. Tinapos ni Rizal ang fili noong Hulyo 1891 sa Brussels, Belgium at unang nalimbag noong Setyembre 1891 Ghent.


Ang pagkamatay ng tatlong paring sina Don Marciano Gomez (85 taong gulang), Don Jose Burgos (30 taong gulang), at Don Jacinto Zamora (35 taong gulang) ang nagbigay inspirasyon kay Rizal sa pagsusulat ng fili. Kaya naman inihahandog niya ito sa kanila.


Ang pangunahing tauhan ng fili ay si Simoun, isang mayamang alahero na nanggaling sa Cuba. Siya si Crisostomo Ibarra sa noli na tinulungan nagpasimuno ng planong pag-aalsa sa Cavite laban sa pamahalaang Espanya. Sila kase ang kilalang nang-uusig sa ilang mga patakaran sa simbahan. Sila ang tagapagtaguyod ng mg usaping patungkol sa hustisya at kalayaan ng mga Pilipino. Sila ang tagapagtanggol din ng mga karapatan ng mga indio. Saksi sila sa mga pagmamalabis ng mga prayle. Isang araw, bigla nalang silang pinadakip at dinala sa Bagumbayan. Doon, binatay sila noong Pebrero 28, 1872. Hindi man malinaw ang rason ng kanilang pagkamatay, kinikilala parin ng mga Pilipino ang kanilang kadakilaan. Sila’y kinikilalang mga martyr-- mga martyr na namatay dahil sa pagtatanggol ng mga naaping Pilipino, at ito ang adhikaing nais ipagpatuloy ni Rizal.ni Elias sa pagtakas sa mga sundalong humahabol sa kanya, naghukay ng butas para doon itago ang kanyang kayamanan, at naglakbay sa Cuba kung saan siya’y yumaman at nakipagkaibigan sa maraming Kastilang opisyal. Makalipas ang maraming taon, bumalik siya sa Pilipinas nang hindi nakilala ng mga tao. Naging makapangyarihan siya dahil siya ang naging tagapagpayo ng gobernador-heneral. Sa panlabas, si Simoun ay kaibigan ng mga Espanya. Pero sa totoo lang, siya ay may lihim na planong mag-alsa laban sa Espanya. Ang kanyang adhikain ay buklodin ang mga Pilipino para magsagawa ng rebolusyon laban sa pamahalaang Espanya at iligtas si Maria Clara sa Sta. Clara convent.


Ang nobela ay nagsimula sa setting sa loob ng bapor Tabo, dumadaan sa ilog Pasig, na naggaling sa Maynila papunta sa lawa ng Laguna. Si Simoun, mayaman at misteryoso, ay kaibigang matalik ng gobernador heneral ng Espanya. Siya ay tinawag na “Brown Cardinal” at “Black Eminence” dahil sa kanyang impluwensiya sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng kanyang impluwensiya sa gobyerno, kinumbisi niya ang corruption sa pamahalaan para mapabilis ang pagbaba ng moral ng bansa at magbigay daan sa pag-aalsa ng mga Pilipino. Kinokontrata niyang magsmuggle ng mga armas ang isang tsinong negosyante, si Quiroga, na gustong maging konsul ng Intsik sa Maynila. Ngunit ang layunin ni Simoun na pag-aalsa ay hindi natuloy dahil nabalitaan niyang namatay si Maria Clara sa kumbento. Sa mga panahong nagluluksa siya, hindi niya muna inisip ang pag-atake sa kastila. Pagkatapos ng kanyang paghihinagpis sa pagkamatay ni Maria Clara, muli niyang binuhay ang planong pag-aalsa sa gobyerno. Sa kasalan nina Paulita Gomez at Juanito Pelaez, nagbigay siya ng kaaya-ayang lampara bilang regalo. Siya at si Basilio lamang ang nakakaalam na sasabog ang lampara kapag bumaba na ang buga ng kanyang apoy dahil may nitroglycerine na nakatago sa kompartment nito. Gayunman, mamatay ang lahat ng mga panauhin sa gabing iyon, kasali ang gobernador-heneral, mga prayle, at mga opisyal ng gobyerno. At kapag nangyari yun, lulusob na ang mga tagapasunod o mga kasama ni Simoun sa mga gobyernong gusali sa Maynila. Habang sinisimulan ang pagdiriwang, si Isagani, na ni-reject ni Paulita dahil sa kanyang mga kaisipang liberal, ay nakatayo sa labas ng bahay at malungkot na pinagmamasadan ang kasiyahan sa loob. Nang nakita ni Basilio si Isagani, pinagsabihan niya itong umalis na dahil ang lampara ay malapit nang sumabog. At nung nalaman naman ito ni Isagani, naisip niyang malalagay sa panganib ang buhay ng kanyang mahal na si Paulita. Nagmadali siyang pumasok sa bahay para iligtas si Paulita. Ninakaw niya ang lampara at itinapon niya sa ilog kung saan sumabog. At dun natuklasan ang planong rebolusyonaryo. Ito ang kwento ng El Filibusterismo.


Makikita dito na mahilig gumamit si Rizal ng simbolismo. At ang pinakaobyus sa lahat ay ang lampara. Kung ating sususriin, ang lampara ay isang bagay na nagbigay liwanag para makita ng mga tao ang tamang daan. Gayundin sa kaso ni Rizal, ang kanyang mga sulatin o akda ang nagsilbing lampara sa mga Pilipino, nagbibigay liwanag sa isip ng mga tao— at ang liwanag na ito ay ang kamalayan. Iyon naman talaga ang gustong mangyari ni Rizal. Ang kamalayan kase ang magbibigay daan upang gawin ng mga Pilipino kung ano ang nararapat at hindi na lamang mga sunud-sunuran. Ang mga impormasyong nakasaad sa mga sulatin niya ay parang sa bibliya na magiging gabay ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi man ito direktang sinasabi kung ano ang dapat gawin, ito nama’y nakakapagbigay resulta sa pagkakaroon ng damdaming makabayan.


Sa katunayan, ang El Filibusterismo ang pinakagusto kong nabasa sa lahat na ginawa ni Rizal. Ang fili kase ay sadyang nakakaantig ng puso at parang kaharap mo lang ang mga nag-uusap. Ang mga linyang ginamit ay may madamdaming impak sa mambabasa. Sadyang mararamdaman mo ang hirap, ang galit at ang tuwa ng mga tauhan sa nobela. Kaya naman, mapapaisip ka tuloy kung ano ang mga susunod na pangyayari, magkakaroon ka din ng mga opinyon na ‘sana’y mas maganda kung ganito o ganyan’, at may mga pagkakataong din mag-eebalwasyon ka sa sarili mong buhay, “Sapat na ba ang nagawa ko sa bayan ko?” o kaya nama’y mga komentong “Ang gago ko pala!”. Ang galing ni Rizal. Naibabahagi niya ang kanyang mga ideyang pampulitika sa mga Pilipino sa pamamaraang nakakaaliw at papupulutan ng aral. Isang bagay na gumigising sa mga batong isipan. Isang paghahatol sa damdaming makabayan.


Si Rizal ay naging biktima na ng pang-aabuso ng mga Kastila sa bayan niya sa Calamba, Laguna nung siya ay bata pa lamang. Kaya hindi maalis sa kanya ang mangarap ng mas magandang buhay para sa kanyang bayan. Sa loob ng klase lagi siyang nakikipag-argumento sa mga guro niya dahil sa hindi pagkakapantay-pantay na pagtrato sa mga estudyantng Pilipino at Kastila. Hindi niya inisip kahit siya’y mapagalitan pa. Ang hangad lang niya ay iparating ang mga saloobin naman ng mga Pilipino sa harap ng walang hustisyang sistema.


Habang tumatanda si Rizal, nakita niya na mas lalong lumalala ang sakit ng lipunan. Dumadami ang namamatay na dulot ng pang-aapi at kawalan ng hustisya, tumataas ang pressure ng mga nagtutunggali, walang pakialam, at ang pinakamasakit sa lahat, marami na ang nagretrakng kanilang pananaw sa buhay—may mga Pilipinong naging dayuhan na sa sariling bayan, nakiisa sa layuning pang-Espanyol at kinamumuhian ang kapwa Pilipino—gaya ng persona ni Doña Victorina sa fili. Unti-unti nang nawawala ang tatak Pilipino. Sumasabay na sa hangin ang boses makabansa dahil puro tinig na lamang ng isang pagpuri sa Espanya ang naririnig. Magiging sunod-sunuran nalang ba tayo habambuhay?


Si Rizal ay isang relihiyosong tao, isang edukado at nadamitan nang husto ng maka-Diyos na pag-uugali at damdaming makabansa. Sa kabila ng lahat, hindi lahat nang sinasabi ng mga prayle ay kanyang sinusunod at pinaniniwalaan. Hindi nakumbisi ng mga prayle si Rizal na ang mga taong hindi Kristiyano ay maituturing na masasamang tao. Ito’y isang patunay na si Rizal ay may malawak na kamalayan. E bakit sila? Mga abusado at makasarili. Si Padre Camorra nga gustong-gusto ang mga lugar na may maraming babae para kaniya silang maamoy at mahawakan. Maging si Padre Damaso ng noli sinubukang I-abort ang sariling anak ngunit siya’y nabigo (salamat naman!). Ganyan ba ang Kristiyanong dapat igalang, sundin, at katakutan? Nakakahiya. Sugo pa man din sila ng Diyos kung tinuringan.


Integral na bahagi ng buhay political ni Rizal ang kanyang mga sulatin. Isa siyang manunulat na nagpahayag sa pamamagitan ng mga likhang sining ng katotohanan bilang isang anyo ng propaganda.
Marami pa rin marahil ang nagdadalawang-isip kung makatarungan nga ba ang paggawad kay Rizal ng titulong Pambansang Bayani. Ang akdang ito ay isang patunay. Kung ayaw mang tanggapin ng lahat na siya ang ating Pambansang Bayani, sana’y maisip nalang natin na siya ang susi, tagapagligtas, vehikulong nagdala sa atin sa kamalayang pambansa, isang bagay na nagbigay daan sa ating kalayaan, sa ating Pagkapilipino. Hindi naman ito tungkol kay Rizal bilang bayani, kung hindi tungkol sa isang tao, isang indibidwal, isang romantiko. Oo, sa dulo ng babasahin na ito ay napagtanto ko na ang depinisyon na nais ihayag ng akdang ito. Si Rizal ay isang tunay na romantiko, sapagkat ang lahat ng mga nangyari sa kanyang buhay ay ang lohikal na bunga lamang ng kanyang taos, tunay, at masidhing pag-ibig. Pag-ibig na walang-alinlangan niyang inihayag sa mundo na walang takot kanino man. Ang nagtapos sa kanyang buhay at nakaapekto ng malaki sa ating bayan ay dahil lamang sa isang simpleng pag-ibig. Ang pag-ibig na ito sa kanyang bansang mahal na Pilipinas.




 
   
 

Nilikha nina R.C Casaclang at I.K Guillen. Ang website na ito ay hindi gawang propesyunal. Ito'y para sa akademikong layunin.